Byaheng Upi
Hindi talaga maiiwasan, sa masalimuot nating panahon at sitwasyon, daratal at daratal ang pagkalito at panghihina ng kalooban -- talaga nga bang may magagawa pa para mabago ang kalagayan ng lokal na pamamahala? Sa dinami-dami na nang mga capacity building activities (training at workshop kaliwa't kanan, coaching dito, study tour doon), may mga nababago nga ba na makakapagbigay-buti sa kalagayan ng mamamayan at makakabalanse sa mga kapalpakan ng sentral na pamahalaan?
Kapag dinadalaw ako ng ganitong mga tanong, naiisip kong dumalaw sa Upi. Di bale nang inaabot nang anim na oras ang biyahe at bugbog-sarado ang katawan dahil sa malubak na daan. Kasi sa Upi, tuloy-tuloy ang pagbabago. At hindi lang sa isa or dalawang tao nakasalalay ang pagbabago. Dama ng maraming taga-Upi (mapa-Teduray man, Kristyanong dayo o Muslim na Maguindanao) na may taya at papel sila sa pagpapabuti ng kanilang bayan.
Bago lang, pormal nilang inilusad ang kanilang ecological solid waste management (ESWM) program. Pinaniguro ni Mayor Piang na dadalo ang mga kapitan ng 23 barangays ng Upi at mga representante ng mga ahensya. Dumating din ang mga civil society organizations, mga relihiyoso (pari, pastor at mga ulama), mga tradisyonal na pinuno o elders, mga pulis at militar, at may kinatawan din ang probinsya. Hiniling ni Mayor na pormal na ipahayag ng bawat isa ang kanilang suporta sa implementasyon ng ESWM. Nilinaw din niya na hindi lamang kalat sa poblasyon ang pinag-uusapan kundi maging ang agricultural wastes.
Mahusay namang ipinaliwanag ng pangulo ng Upi People's Council ang implikasyon ng basura sa mga mamamayan. Magaling ang mga piniling halimbawa ni Engr. Deano. Sa huli, inulit niya na sakaling may mga mahuling lumalabag sa ordinansya ng ESWM, ipapatawag ang kapitan ng kanilang barangay at ipapaalala sa kanila ang kanilang ipinangakong suporta.
Sa kuwentuhan namin ni Fr. Ponpon, binanggit niya na mahalagang pumili ng mga epektibong pamamaraan ng edukasyon upang lubusang maintindihan ng mga mamayan ang ESWM at suportahan ito sa konkretong mga paraan. Magugulat kayo at ang munting parokyang ito ay may primera klaseng kagamitan audio-visual at may kakayahang gumawa ng mga mahuhusay na produksyon -- walang binatbat ang gawa ng MTV.
Sa iba't-ibang paraan, pinapanindigan ng mga taga-Upi ang kanilang panawagan na siya rin nilang adhikain -- "Layang Upi! Layang!" (Soar Upi! Soar!) Sa isang banda, maaaring sabihin na isinasabuhay lang ng mga taga-Upi ang diwa ng lokal na pamamahala o local governance.
Kapag kausap ko ang mga taga-Upi nananariwa sa akin ang mga sagot sa katanungang pana-panahong pinoproblema ng mga kumikilos para sa pagbabago (na malapit nang maging aburido): "Bakit nga ba natin ginagawa ito?!"
Sa ganang akin, simple lang. Habang may mga kagaya ng mga taga-Upi na gustong lumawig, kailangang gawin natin ang ating mga gawain. Nang mahusay. Nang may puso.

Comments